← Back to portfolio

Mga Bata sa Batibot

Published on
“anak ng lansangan, problema sa lipunan, sinisipa sa daan, namulat sa kahirapan, edukasyon ay wala.”
Excerpt from Mga Bata sa Batibot

Sina Ronnie at Ida

Alas-nuwebe ng gabi. Habang nag aagawan ang mga pasahero na makasakay sa jeep sa Kalentong at makauwi na sa kani kanilang mga bahay ay walang pakialam namang naghahalukay sa basurahan sa sulok ang dalawang batang musmos na ito.

Hindi pa kami pwedeng umuwi kasi konti pa ito, eh,” ang sabi ni Ronnie, 8 taong gulang, sabay turo sa dala dala niyiang sako. Nagbabakasali pa silang makakuha ng anumang pwedeng makain o kaya’y pang benta nilang magkaibigan kinabukasan.

Dahil sa malayu layo pa raw ang bahay nila sa Mandaluyong, malamang sa may hagdanan ng tindahang iyon na rin sila ni Ida, 6 taon, matulog nang gabing iyon.

Si Lea

Siya yung batang naka pony-tail ang ‘di sinuklay na buhok sa may SM Sta. Centerpoint, Sta. Mesa. Siya yung makulit na kumakalabit sa mga taong nagdaraan at maglalahad ng palad sa baryang ibibigay sa kanya “para pangkain lang.”

Panganay siya sa siyam na magkakapatid—ang dalawa ay ipinaampon na lamang ng kanyang nanay na labandera at ang dalawa naman ay namatay na.

Nakatira sila sa Araneta at siya ay dating nagtitinda ng mga basahan ngunit dahil sa mahina raw ang kita, nakuntento na lang siya sa pamamalimos.

Dati rati, dun lang kami sa may kanto sa amin, kaya lang tinutukso kasing namamalimos lang. Buti dito, kumikita pa kami,” kwento ni Lea, 12 taong gulang.

Ayon sa kanya, kumikita sila ng halos P50 hanggang P100 sa isang gabi.

“Inaabot kami ng alas-diyes o kaya alas-onse ng gabi dito pero hindi naman nakakatakot kasi marami pa namang tao. Kaya lang, yung mga nilalapitan naming, parang sila pa ang natatakot sa amin, kasi ayaw nilang pahiop sa amin at itinataboy pa kami, “ himutok ni Lea.

Kasa kasama niya sa pamamalimos sa Centerpoint ay ang kaniyang mga kapitbahay na sina Michael, 10 taon gulang at Maricris, 6 taon.

Sina Ambo at Oknoy

Kapwa sumisinghot ng solvent sa likod ng isang bus ang dalawang ito. Bagama’t may kani kaniya pa silang pamilya, parehong pinipili nila Ambo at Oknoy ang buhay sa kalye – ang maging palaboy-laboy at maging gusgusin, ang makisama sa mga batang naunang itinaboy sa lansangan ng iba’t ibang dahilan at maging dalawa sa mga kumakalat-kalat na “rugby boys” sa may Guadalupe.

“Lagi kasi akong binubugbog ng tatay ko kaya lumayas ako sa amin,” kuwento ni Ambo, “at hindi na ako babalik doon kasi hindi naman nila ako mahal.”

“Masaya din kami dito kasi kasama naman namin ang ibang bata dito, “dagdag ni Oknoy. “Saka kahit na nagrurugby man kami, nakakapagtawanan pa rin kami. Wala kaming iwanan dito. Nagbubugbugan kami pero kunya-kunyarian lang, eh sa bahay, totohanan, masakit pa.”

Ayon pa sa dalawa, hindi naman daw sila nagugutom doon dahil namamalimos sila.

At si Jason

Dating nagtratrabaho sa Saudi ang ama ni Jason, 12 taon, noong nabubuhay pa ito. Kaya natutustusan nito nang maayos ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Apat na taon na mahigit ang nakaraan nang kasabay sa trahedya ng pagkamatay ng kanyang daddy na wala lamang isang kusing ang naiwan sa kanila, ng pagkakabintang kay Jason ng pagiging isang magnanakaw.

“Yung kapit-bahay naming si Michelle, 15 taon, siya yung talagang hinahanap nung mga tao, kaya lang nagkataong kasama niya akong nagtatago noong araw lang na iyon kaya ako ang itinuro ng tatay na nagnakaw raw, at gusto ko lang raw madamay at mapatay si Michelle. Ang tutuo, nagpasama lang ako kay Michelle na bumili noon ng kape para sa burol ng daddy ko,” kuwento ni Jason.

Siya ang inaresto ng mga pulis at ipinakulong pa siya ng tatay ni Michelle. Pero nakatakas siya sa kulungan habang pinapakain sila; at mula sa bayang iyon ng Antipolo, nakarating siya ng Maynila.

“Nakasama ko sa kalye yung ibang mga bata at nagpupunas kami ng mga sasakyan para may mapangkain. Hindi po. Hindi po kami nagrurugby.”

Sa kasalukuyan, si Jason ay nasa pangangalaga ng isang institusyong kumukupkop sa mga dating batang lansangan.  

Sayang, sayang

Street children. Mga batang lansangan. Ang mga pinaka batang miyembro ng maralitang taga lunsod. May mga namamalimos, nagtitinda ng kung anu ano, naglilinis o nagpupunas ng mga sasakyan, nagbabasura, sumisinghot ng solvent, mga snatcher at pick-pocket, batang prostitute, drug runner o basta lumalaboy sa kalye. 

Marurumi, gusgusin pero may ilang maayos din naman ang suot  na damit. Dilat at malungkot ang mga mata, mukhang matured o parang tumanda na ang kanilang itsura nang ilang taon kumpara sa tutuong talagang edad nila.

Umabot na ng mahigit 1.5 milyon ang kanilang bilang dito sa Maynila at ibang lunsod sa Pilipinas. Taun-taon parami pa sila ng parami. Kadalasan, sila ay nagmumula pa sa mga slum areas kung saan ang bahay at kapaligiran ay sumasalamin sa kahirapan sa mga residente doon. 

Maari ring sila’y nanggaling sa mga pamilyang may di-kaaayayang record o background. Dumating ang panahon na hindi na nila gusto ang nakikita nila sa kanilang tirahan kaya napipilitan silang umalis at mamuhay sa lansangan. 

Sinasabi silang mga batang abandonado o kaya'y ulilang lubos. Ngunit mayroon pa ring iilan na umuuwi pa naman sa kanilang bahay pero karamihan sa kanila ay mas pinili na ang pumirmi sa kalye at tuluyan nang talikdan ang kanilang mga pamilya.


Trabaho o ano?

Bunga ng kahirapan,marami sa mga batang kalye ay napilitang maghanapbuhay ng maaga upang kumita sa iba’t ibang paraan—pagtitinda ng diyaryom kendi, sigarilyo, basahan—minsan, pati mga ipinagbabawal na gamot--taga-linis o di kaya, namamalimos.

Nakakalungkot pang isiping may mga situwasyong hindi naman sa mga bata napupunta ang anumang perang kinikita nila, tulad ng mga nagiging prostitutes at nagiging biktima ng 'child trafficking' kundi sa mga mapagsamantalang tao na ginagamit ang kawalan ng kamalayan ng mga kabataang ito para lamang sa kanilang sariling interes. 


Problema ba o biktima?

Kakalat-kalat sa daan. Problema raw sa lipunan.

Tulad na lamang ng mga inirereklamong ‘rugby boys’ sa isang pang-hapong programa na naka-istambay (raw) malapit sa isang pribadong unibersidad. Ayon sa nagrereklamo, mapanganib ang mga batang iyon, lalo na sa mga estudyante.

Hindi rin nalalayo ang mga ‘batang hamog’ na madalas ay nakikitang pagala gala sa iba’t ibang lugar, nakayapak, marusing, may mga sakong bitbit sa kanilang balikat at madalas, nahuhuling nagnanakaw sa mga bahay at tindahan.

Kadalasan, dadamputin na lamang ang mga batang kalyeng ito at ikukulong kasama ang mga criminal.

Teka, hindi ba pwedeng isiping kailangan din ng parehong proteksiyon ng mga kabataang iyon dahil nga, bata pa sila?

Kung iintindihin lamang ang mga karanasan at buhay ng mga batang lansangan, sila ay hindi nararapat tawagin na lamang na problema ng lipunan. Sila’y higit pa sa mga biktima.

Unang una nang ipinagkakait sa kanila ang pagkakataong mamuhay ng normal katulad ng ibang bata—ang makapaglaro at matulog sa malinis at ligtas na tirahan at kapaligiran at ang makapag-aral at magkaruon man lamang ng pangarap para sa kanilang kinabukasan.

Kapos na nga sa kalinga at pagmamahal, patuloy pa rin silang linalayuan at pinandidirihan ng lipunan. Sa kanilang murang edad, maaga silang pinatanda ng mga karanasan nila sa lansangan. Ninakawan na sila ng kanilang sariling kabataan.


May karapatan rin sila

Itinatag ang “Convention of the Rights of the Child” ng United Nations General Assembly noong ika-20 ng Nobyembre, 1989 upang isaalang alang ang mga karapatan ng mga kabataan at mabigyan ng kalutasan ang mga suliraning kinakaharap nila sa iba’t ibang situwasyon.

Kabilang na sa mga nabanggit ay ang mga kabataang namumuhay sa hindi kanais nais na kapaligiran o kundisyon na ayon sa Preamble ng CRC ay nangangailangan ng karagdagang pansin at konsiderasyon.

Mula din sa UN General Assembly ay binuo ang “Specific Action for Child Survival, Protection and Development.” Isinusulong nito ang paniniwalang ang mga kabataang ito ay “deserved special attention, protection and assistance from their families and communities, and as a part of national efforts and international cooperation.”

Dito sa Pilipinas, ipinaiiral rin ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Matagal nang nagsimulang kumilos ang pamahalaan at mga iba’t ibang pribadong sektor o NGO’s upang matulungan ang mga batang lansangan na magkaruon ng pagkakataong lumaki ng normal at maialis sa kalye, ngunit, sadyang kulang pa rin ang kanilang pagsusumikap.


Kung pwede sana

Kailangan pa rin ang partisipasyon at pakikipagtulungan ng indibidwal na mamamayan. Gayunpa ma’y hindi ganoon kadali iyon.

Kailangan pang maipaalam at maipaunawa sa maraming tao ang buhay ng batang lansangan at ang kinabukasan kaniyang kahihitnatnan kung sakaling hindi maialis ng mas maaga sa kalye.

Kailangan din ang determinasyon mismo ng isang batang lansangan na pilitin niyang magkaruon ng magandang pagbabago sa kaniyang buhay. Marami na rin kasi ang kasong kung saan ang isang bata ay tumatakas mula sa isang institusyon at bumabalik sa kinagawiang buhay sa gitna ng mga humaharurot na sasakyan at maiitim na usok sa kalsada.


Pahabol

Kailanma’y hindi maaring sabihin na ang isang bansa ay ganap nang maunlad kung ang lipunan nito’y patuloy na isinasang-tabi ang mga karapatan ng mga kabataan. Kung ang ibang kabataan nito’y pinababayaang gumagala-gala sa mapanganib na lansangan. Sapagkat, ano pa nga ba ang dapat inuunang pahalagahan ng pamahalaan at ng mga mamamayan kundi ang kinabukasan ng susunod na henerasyong gagalaw at mamumuno sa bansang ito.


“Mga bata sa batibot, hanap ay pang-unawa, kalinga at awa, mga bata sa lansangan, doon sa Batibot.”
Excerpt from Mga Bata sa Batibot



SA BASAHAN

Nangingitim at gula gulanit na,
Ilang sapatos na rin 'yong nahagkan.
Sa ilang dampi'y, kahit paano'y sikmura'y nainitan.

Salamat at minsan, ika'y naging kasama
Sa aking mundo sa lansangan.
Magalak! kailangan nang ika'y ibasura.

Kailanma'y hindi na masasaksihan
Paanong munti'y masahol pa sa basahan
Kung ibasura ng lipunang walang pakialam.
.
©May 1996