← Back to portfolio

Homophobia | Isang Tagong Trahedya sa ating Lipunan

Published on

“Si Jim, isang working student at magaling na varsity athlete upang datnan ang kanyang amang pinaghahagis ang kanyang mga gamit at damit sa labas ng kanilang bahay.
Kasabay nito ang pagtataboy at pagpapalayas sa kanya. Ang tanging naging kasalanan, na naging isang mabuting anak at masipag na estudyante mula’t sapul, ay ang maging isang gay.”

-Kevin Casey, mula sa aklat na Children of Eve


Ano ito?

Ang “homophobia” ay ang pagkatakot at pag iwas sa homosexual o gay. Nagsimula ang terminong ito noong 1970’s mula kay George Weinberg, isang Amerikanong psychologist.

Sa paglipas ng mga taon, lumawak pa ang saklaw ng kahulugan ng sa;itang ito. Hindi na lamang ito naglalarawan mula sa isang indibidwal, kundi pati na rin sa lipunan.

Maari na rin itong humantong sa pagsasabalewala at diskriminasyon na nag-uugat sa hindi pagtanggap ng pagiging hindi perpekto ng isang bahagi ng ating lipunan. Na sinumang hindi nakakatupad o nakakakilos ayon sa karaniwang inaasahan o pinaniniwalaan ng nakakarami ay itinuturing na abnormal.

Ayon kay Neil Garcia, isang guro sa UP, dahil sa homophobia nagkaroon ng nosyon na ang homosexuality ay isang kakulangan na dapat punan.

Paano?

“The fundamental moral problem is not being either gay or lesbian but rather the oppression of this sexual minority by the privileged majority.” – Presbyterian Church

Ang ating lipunan ngayon ay masasabing mas galit sa mga gay na lalaki kaysa babae. Sa katunayan, tila bibihirang mapagtuunan ng pansin ang mga lesbian o tomboy. Ngunit, dahil na rin sa kanilang pagiging homosexual, hindi pa rin maiiwasang hindi sila makaranas o makatanggap ng pag-iwas o pag-lait.  

Gayunpama’y ang iba’t ibang uri ng manipestasyon ng homophobia ay maaring matanggap ng isang gay, lalaki man o babae, mula sa kaniyang pamilya, kaibigan, kakilala, lipunang kinabibilangan, simbahan at mula na rin sa media at social media.

Kabilang na rito ang paglayo at pagiwas, rejection o ang hindi pagtanggap, deskriminasyon, cyberbullying, hostility at karahasan tulad ng “gay bashing”.

“Naglalakad lang kami sa corridor at blatantly, binastos na kami ng mga lalaking nadaanan namin.”

Marami ang nasasaktan at nagugulpi ng kanilang sariling mga ama, kuya o tiyuhin dahil sa pag-akalang ang imaheng dinadala ng mga gay ay nakakasira sa reputasyon ng kanilang pamilya. Sa paraang ito, nasasaktan sila “emotionally and psychologically.”

Minsan, oo nga’t nakakaranas na sila pagtanggap, naruon pa rin ang pasubali at hangga’t maari ay hindi sila magkakaruon ng direktang kaugnayan sa atin.

“Okay lang sa atin ang mga bakla at tomboy, basta huwag lamang siyang maging anak, tatay, nanay o kapatid natin,” ang paliwanag pa ni Jonathan.

“Kadalasan, nariyan pa rin ang aloofness o pagkailang ng ibang tao,” sang-ayon ni Gerry Cruz, isang gay.

Sa trabaho, may pagkakataon rin namang nagiging biktima ng simpleng deskriminasyon ang mga gay. Si Ralph White ay dating nagtratrabaho bilang senatorial staff, ngunit nang kanyang inilahad ang kanyang pagiging gay, siya’y pinaalis sa kanyang trabaho.

Sumusunod na rin dito ang sinasabing pagbabalewala sa kakayahan ng mga gays bilang prodaktibong miyembro ng lipunan.

“Even though, we respect their individual artistry, gays are still ultimately accepted for our amusement,” mula sa obserbasyon ni Jeff Ramos, isang kolumnista.

“Kinakahon kami bilang parlorista, impersonators at entertainers,” ang pahayag pa ni Jonathan.

Gayunpaman, marami na rin ang mga gays na naging matagumpay sa ibang larangan o career; ngunit laging naruon pa rin ang expectations.


Hanggang ngayon?

Sa ating panahon ngayon, kahit sabihin pang halos kumportable na ang lipunan sa konsepto ng homosexuality at nag-uumpisa na ring mabuksan ang pananaw ng ibang tao, tulad ng pagtanggap sa mga pelikula at babasahing may ganitong tema—ang anino ng homophobia, bagama’t maaring ito’y mabawasan, ay mananatili pa rin.

Sa mga bagong isyu ng transexuality at same sex marriage, nararamdaman pa rin talaga ang panlalamig ng homophobia. Sa katunayan, sangayon sa Presbyterian Church, hindi pa rin seryosong pinagiisipan ang tuluyang pagtalikod sa mga tradisyunal na sexual ethics-- (na maaring hindi na naayon sa kasalukuyang panahon at pamumuhay) ano pa kaya ang bukas loob na pagtanggap sa katotohanan ng homosexuality na itinuturing na kasalanan noon?

“Hindi nga natin maiiwasan ang homophobia,” pagsang-ayon ni Randolph Angeles, isang Industrial Psychologist.

Ngunit kung ang homophobia ay hahayaang magpatuloy pa rin, ano na lamang ang magiging implikasyon nito sa kinabukasan ng isang lipunan? Ng isang gay mismo at ng kanyang kaugnayan sa ibang tao at sa kanyang sarili?

Ang homosexuality ay hindi nangangailangan ng katuwiran at pagpapaliwanag, kundi ay ang buong pagtanggap at pang unawa ng lipunan: ng bukas na isipan na pagkakaintindi sa individual differences.

At ang isang homosexual o gay, ayon kay Randolph, upang magtagumpay sa buhay sa kabila ng mga pagsubok na tulad ng homophobia ay nararapat na alamin ang kanilang mga sariling kakayahan, inclinations at limitasyon, “they have to improve their way of life.”